Umabot na sa 54 na Pilipino sa Israel ang humiling ng repatriation sa gitna ng nagpapatuloy na tumitinding bakbakan sa Middle East.
Ayon kay Philippine Ambassador to Israel Aileen Mendiola, mayroong 32 turista at 22 overseas Filipino workers (OFWs) ang nagpahayag ng pagnanais na makauwi ng Pilipinas.
Nakikita namang hamon ngayon, ayon sa Ambassador, kung paano sila maililipat dahil walang flights palabas at papasok ng Israel gayundin sarado na ang ibang land crossing doon.
Subalit, plano aniyang unahin ang mga turista na stranded dahil wala silang bahay doon kaya nakikipag-uganayan na ang embahada sa Ministry of Tourism ng Israel para mailikas ang mga ito.
Ito rin ang nakikitang hamon sa pagpapauwi sa Pilipinas ng labi ng nasawing Pinay caregiver sa Israel na si Mary Ann Velasquaez de Vera.
Sa ngayon, ayon kay Ambassador Mendiola imposible na maiuwi agad ang labi ng Pinay subalit pinag-uusapan na aniya ng kanilang team members kung paano ito maiuuwi sa bansa kasama ang asawa ng Pinay caregiver na nasa Israel din at kapatid na nasa Qatar.
Base sa datos ng Department of Foreign Affairs (DFA), mayroong 2.5 million Pilipino ang nasa Middle East, karmihan ay nasa United Arab Emirates (UAE), Saudi Arabia at Qatar habang may 800 sa Iran.
















