Maraming biyahero na ang na-stranded sa iba’t ibang bansa sa Middle East matapos magsara ang malaking bahagi ng airspace sa rehiyon kasunod ng paglala ng tensyon sa pagitan ng Israel, Estados Unidos at Iran.
Magugunitang nagsimula ang kaguluhan matapos ang ginawang joint military operation ng Estados Unidos at Iran laban sa Iran noong Pebrero 28 na agad namang tinugunan ng Iran sa pamamagitan ng pag-atake sa ilang lugar sa Gulf region at Israel.
Dahil dito, kinailangang isara o limitahan ang maraming ruta ng eroplano sa rehiyon.
Sa kabuuan, mahigit 23,000 flight ang nakansela mula sa halos 44,000 na naka-iskedyul na biyahe papasok at palabas ng Middle East mula nang magsimula ang tensyon sa Middle East.
Ayon sa flight tracking services, libo-libong flight ang nakansela sa buong mundo sa mga nakalipas na araw.
Dahil dito, nagsagawa ng repatriation ng kanilang mga mamamayan ang iba’t ibang bansa.
Ang ibang bansa ay nagpadala ng chartered flights at military aircraft upang mailikas ang kanilang mga mamamayan mula sa mga apektadong lungsod sa Middle East tulad ng Dubai, Abu Dhabi, at Israel.
Inorganisa naman ng France ang mga evacuation flight mula Oman at Egypt para sa kanilang mga mamamayan, habang iniuwi rin sa Italy ang ilang estudyante matapos mailikas mula sa Dubai.
Ayon sa ulat, mahigit 200 katao na mula sa 16 na bansa ang umalis sa Iran sa pamamagitan ng land route papuntang Turkmenistan.
Samantala, sinabi ng Estados Unidos na mahigit 18,000 ng kanilang mamamayan ang nakabalik nang ligtas sa bansa.
Iniulat din ng Mexico na halos 280 mamamayan nito ang nailikas mula sa rehiyon.
Tinatayang nasa 400,000 French citizens din ang kasalukuyang nasa Middle East, habang mahigit 130,000 British nationals ang nagparehistro sa kanilang pamahalaan upang makatanggap ng tulong kung kinakailangan.
Dahil sa patuloy na pagsasara ng airspace sa Iran, Iraq, Qatar, Bahrain, Kuwait at Syria, inaasahang magpapatuloy ang limitadong operasyon ng mga flight hanggang sa mga susunod na araw.
Sa ngayon, patuloy ang koordinasyon ng iba’t ibang bansa upang matulungan ang kanilang mga mamamayan na makalabas ng rehiyon habang nagpapatuloy ang tensyon at mga pag-atake sa Gitnang Silangan.
















