Kinumpirma ni US President Donald Trump na tinamaan ang daan-daang targets sa Iran sa nakalipas na 36 na oras mula nang ilunsad ang “Operation Epic Fury.”
Sa ibinahaging video ni Trump, inilarawan niya ang naturang pag-atake bilang “largest, most complex at most overwhelming military offensives na hindi pa nasasaksihan ng buong mundo.
Ayon kay Trump, kabilang sa mga tinamaang targets ay ang mga pasilidad ng Revolutionary Guards at Iranian Air Defense Systems.
Muling kinumpirma rin ni Trump na napaslang ang Supreme leader ng Iran na si Ayatollah Khamenei, na inakusahan ng US President na responsable sa likod ng pagpatay ng libu-lubong inosenteng indibidwal sa maraming mga bansa
Inanunsiyo rin ni Trump na napulbos na ang buong military command ng Iran kung saan karamihan umano sa kanila ay nais nang sumuko upang maisalba ang kanilang buhay.
Nagbabala rin si Trump na posibleng lumobo pa ang US casualties kasabay ng pagpapatuloy ng kanilang combat operations hanggang makamit ang lahat ng kanilang layunin.
Kinumpirma rin ni Trump na napaslang ang tatlo sa miyembro ng US military service sa gitna ng palitan ng pag-atake. Nagpaabot naman ng pagdadalamhati ang US President sa fallen American soldiers na inialay ang kanilang mga buhay para sa kanilang bansa.
Muling binigyang diin din ng US President na isang malaking banta sa Americans ang long-range missiles at nuclear weapons ng Iran regime, bagay na hindi umano nila papahintulutang magamit laban sa kanila at sa ibang mga bansa.
Ipinagmalaki rin ni Trump na ang Amerika ang may pinakamalakas na military na natunghayan ng buong mundo, na walang sinuman ang makakapantay subalit nilinaw niya na nais nila itong gamitin sa mabuting layunin.
Nanindigan si Trump na makatuwiran ang kanilang naging aksiyon upang masigurong hindi na kailangang danasin ng Americans ang tinawag niyang “radical, blood thirsty at terrorist regime” na armado ng nuclear weapon.
Samantala, inilatag din ni Trump ang posibleng timeline o itatagal ng nagpapatuloy na labanan sa pagitan nila ng Iran. Aniya, target nilang ipagpatuloy ang pag-atake sa loob ng apat hanggang limang linggo o mahigit isang buwan. Hindi aniya ito magiging mahirap para sa kanila dahil marami silang suplay ng ammunitions na nakaimbak sa iba’t ibang mga bansa.
















