Naglunsad ng lightning rally ang mga miyembro ng labor group na Kilusang Mayo Uno (KMU) ngaayong Lunes, Marso 23 sa Embahada ng Amerika sa Maynila para i-protesta at kondenahin ang anila’y imperyalismong giyera ng Estados Unidos at Israel laban sa Iran, na nagdulot ng krisis sa langis at nagpasidhi pa ng kahirapan sa bansa.
Sa isang statement, inihayag ng grupo ang kanilang pagtutol sa patuloy na digmaan, na naglalagay sa panganib sa buhay ng mga migranteng manggagawa at nagpapalala sa krisis sa ekonomiya sa buong mundo kabilang ang pagtaas ng presyo ng langis at pagkasira ng kabuhayan.
Nagbabala rin ang grupo na nanganganib na madamay ang Pilipinas sa lumalalang tensiyong military lalo na at patuloy na pinapayagan ng pamahalaan sa ilalim ng Marcos administration ang presensiya ng base militar ng US, pwersang militar at iba pang pasilidad sa bansa na maaaring gawing target.
Nagpahayag din ng pagtutol ang grupo sa pinaplanong pagtatayo ng ammunition factory sa bansa.
Kaugnay nito, nanawagan ang grupo sa mga Pilipino na tutulan ang lumalakas na presensiyang militar ng US sa bansa at kumilos laban sa digmaan nito sa Iran at iba pang bansa.
Hinimok din ng grupo ang publiko na makiisa sa malawakang pagkilos sa lansangan bilang bahagi ng kampaniya patungo sa Mayo 1, ang Araw ng Paggawa.
















