-- Advertisements --

Nanawagan si Vice President Sara Duterte sa mga Pilipinong nasa Gitnang Silangan na mag-ingat at magsagawa ng kinakailangang hakbang para sa kanilang kaligtasan kasunod ng lumalalang tensyon at labanan sa rehiyon.

Pinayuhan din ng Bise Presidente ang mga Pilipino na iwasan ang mga lugar na may military operations at malalaking pagtitipon, at subaybayan ang mga opisyal na abiso mula sa lokal na awtoridad at Ministry of Foreign Affairs ng bansang kinaroroonan.

Hinikayat din ang mga Pilipino sa rehiyon na tumutok sa mapagkakatiwalaang balita at pagpapanatili ng komunikasyon sa pamilya.

Binigyang diin din ng Pangalawang Pangulo na dapat tiyaking hawak ang emergency numbers ng Department of Foreign Affairs at lokal na awtoridad, at valid ang mga dokumento at pasaporte.

Kung lalala pa ang sitwasyon, dapat maging handa na baguhin ang mga plano at lumapit sa embahada ng Pilipinas para sa gabay sa ligtas na repatriation o pag-uwi sa bansa.

Iginiit ng Bise Presidente na sa panahong ito na walang katiyakan, kaligtasan ang dapat unahin, kasabay ng panalangin para sa kapayapaan at seguridad sa Middle East.