Tinatayang aabot sa 123.96 milyon ang kabuuang populasyon ng Pilipinas pagsapit ng 2035, o dagdag na humigit-kumulang 14.76 milyong katao sa loob ng susunod na 15 taon, ayon sa pinakahuling projection ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Batay sa PSA, inaasahang lalago pa ang populasyon ng bansa sa average na 0.85% kada taon mula 2020 hanggang 2035, mula sa naitalang 109.2 milyong populasyon noong 2020.
Mananatiling pinakamataong rehiyon ang Calabarzon na binubuo ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon na inaasahang aabot sa 19.07 milyon ang populasyon pagsapit ng 2035.
Sumunod ang National Capital Region (NCR) na may 14.49 milyon at Central Luzon na may 14.02 milyon.
Samantala, inaasahang mananatiling may pinakamaliit na populasyon ang Cordillera Administrative Region (CAR) na may 2.13 milyon.
Ayon sa PSA, ilang rehiyon ang inaasahang makapagtatala ng tuluy-tuloy na pagtaas sa population growth rate, kabilang ang Bicol Region, Western Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Soccsksargen, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), at Caraga.
Partikular na binanggit ng PSA ang BARMM, na posibleng makapagtala ng mas mabilis na pagdami ng tao, na inaasahang tataas sa 1.79% mula 2030 hanggang 2035, mula sa 1.62% noong 2020–2025.
Sa kabilang banda, inaasahang babagal naman ang population growth sa ilang rehiyon gaya ng NCR, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, at Northern Mindanao.
















