-- Advertisements --

Iginiit ni Rep. Leandro Leviste na ilalantad niya ang ebidensiya ng umano’y kickbacks sa DPWH projects sa tamang panahon, kahit pa magbibiyahe siya sa ibang bansa batay sa hiling ng kanyang ina, si Sen. Loren Legarda.

Ayon kay Leviste, pinayuhan siyang huwag muna ilabas ang ebidensiya dahil hindi pa nagsasalita ang iba pang makakapagpatunay, ngunit may handa na siyang video at dokumento upang masiguro na lalabas ang katotohanan kahit ano pa man ang mangyari sa kanya. Ani niya, kapag nailabas na ito, maiintindihan ng publiko kung bakit siya patuloy na inaatake.

Binanggit din ng neophyte lawmaker na ang ebidensiya ay kaugnay sa mga anomalous DPWH projects, na dating hawak ni dating Secretary Maria Catalina Cabral, at may kaugnayan sa umano’y pre-assigned projects sa ilang mambabatas at kontraktor bago pa pagdebatehan ang budget sa Kongreso.

Nanawagan siya sa publiko na suportahan ang mga kasalukuyan at dating opisyal ng DPWH na may kaalaman sa kickbacks upang maging whistleblowers, at siniguro niyang sana’y walang ibang saksi ang mapatahimik o mapahamak sa proseso. (report by Bombo Jai)