Unang sumalang ang depensa sa ikatlong araw ng confirmation of charges hearing laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) Pre-Trial Chamber I ngayong Huwebes, Pebrero 26, 2026.
Bago simulan ang presentasyon ng defense, nilinaw ni Atty. Nicolas Kaufman, lead counsel ng dating Pangulo, na wala silang nilalapastangan na sinumang nasawing indibidwal at hindi nakadirekta ang kanilang mga kritisismo sa mga kaanak ng biktimang present sa gallery ng ICC kundi nakasentro lamang ito sa Documents Containing Charges ng Prosekusyon.
Binigyang diin din ni Kaufman na hindi papel ng depensa na magbigay ng alternatibong naratibo o magbigay ng paliwanag sa facts at figures na iprinisenta ng Prosekusyon.
Ipinaliwanag din ni Kaufman na ang papel ng depensa ay himukin ang ICC judges na hindi dapat manatiling nakakulong ang dating Pangulo sa mga susunod na taon dahil walang substantial grounds na maipakita ang Prosekusyon para paniwalaang nagawa ng dating Pangulo ang inaakusahang krimen laban sa kaniya.
Tinukoy din ni Kaufman ang naging pahayag ng prosekusyon na kahit na wala ang mga statement ng dating Pangulo mayroon pa ring sapat na ebidensiya ng substantial grounds base sa ibang ebidensiya.
Subalit, pinalagan ito ng lead defense counsel at iginiit na papatunayan nilang ang mga ebidensiya ay hindi substantial at hindi sapat.















