Matapos bumagsak sa deflation noong Disyembre, muling bumalik sa positibong antas ang inflation sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), na nagtala ng 1.3 porsiyento noong Enero 2026.
Batay sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na inilabas noong Pebrero 13, bumawi ang presyo mula sa –1.0% na naitala noong Disyembre, na pangunahing dulot ng pagtaas ng presyo ng pagkain.
Gayunman, nananatili itong mas mababa kumpara sa 1.7% noong Enero 2025, na indikasyon na may pressure pa rin sa consumer spending sa rehiyon.
Tinatayang 76% ng kabuuang pagtaas ay nagmula sa food and non-alcoholic beverages.
Nakitaan rin ng pagtaas ang presyo ng isda, prutas, mantika at iba pang produktong pagkain.
Bagama’t mas mababa pa rin ang presyo ng bigas kumpara noong nakaraang taon, bumagal na ang pagbaba nito kaya’t nakadagdag sa pagtaas ng inflation.
Sa kabilang banda, may ilang produktong bumaba ang presyo. Nasa negatibong growth ang karne, habang bumaba rin ang presyo ng gatas at itlog. Patuloy ding bumaba ang presyo ng asukal at mais.
Paliwanag ng PSA na ang katamtamang inflation ay maaaring senyales ng magandang ekonomiya, basta’t nananatili ito sa kontroladong antas. Karaniwang itinuturing ng mga policymaker na ideal ang 2 hanggang 4 porsiyentong inflation band.
Kaugnay nito naitala naman ang pinakamataas na inflation sa Basilan na may 5.3%, sinundan ng Tawi-Tawi na may 3.4% at Lanao del Sur na 1.7%. Pinakamababa naman ang naitala sa Maguindanao na –0.8%.
Habang sa Cotabato City, tumaas ang inflation sa 0.8% mula sa –1.3% noong Disyembre, 2025.
















