-- Advertisements --

Idiniin ng International Criminal Court (ICC) na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ay may direktang kontrol at nagbigay ng suportang pinansyal sa malawakang patayan sa ilalim ng kanyang anti-narcotics campaign.

Sa isinagawang confirmation of charges hearing nitong Lunes na hindi dinaluhan ni Duterte, ipinunto ni ICC Prosecutor Mame Mandiaye Niang na pinopondohan at personal na tinutukoy ng dating pangulo ang mga target ng Davao Death Squad o DDS.

Ayon kay Niang, mahalaga ang kontribusyon ni Duterte para ma neutralize ang mga kriminal sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagpatay.

Binigyang-diin ng prosecutor na bukod sa regular salary, nakakatanggap din umano ng cash per head ang mga direktang salarin na sumusunod sa utos dahil sa takot, pabuya, o bulag na katapatan.

Patunay rin umano ng ganap na kapangyarihan ni Duterte ang pagbaba ng kaso ng patayan nang ipasuspinde niya nang dalawang beses ang operasyon.

Nahaharap si Duterte sa tatlong bilang ng crimes against humanity dahil sa kawalan ng due process para sa mga biktima.

Ayon sa tala ng gobyerno, aabot sa 6,200 ang napatay sa drug war, ngunit iginigiit ng human rights groups na posibleng pumalo ito sa 30,000. Itutuloy ang mga pagdinig sa Pebrero 24, 26, at 27.