-- Advertisements --

Naglabas ng show-cause order ang Department of Public Works and Highways (DPWH) laban sa contractor na umano’y nagpatuloy sa konstruksyon sa lugar na sakop ng cease-and-desist order sa Taguig City.

Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, agad silang kumilos matapos iulat ni Senador Panfilo Lacson ang umano’y pagpapatuloy ng konstruksyon sa naturang lugar.

Inatasan ng DPWH ang contractor na magpaliwanag at sumunod sa kautusang itigil ang lahat ng construction activities na may kaugnayan sa umano’y ilegal na reclamation sa Laguna de Bay.

Sinabi ni Dizon na batay sa pinakahuling inspeksyon ng ahensya, wala nang mga manggagawang nagpapatuloy ng konstruksyon sa lugar.

Hindi pa tinukoy ng DPWH ang posibleng multa o iba pang parusa at hihintayin muna ang magiging paliwanag ng contractor.

Binigyang-diin ni Dizon na kailangang sundin ng lahat ng contractor ang mga kautusan ng DPWH, kabilang ang cease-and-desist order.