-- Advertisements --

Sa kabila ng kumakalat na haka-haka na maaaring maging running mate ni Vice President Sara Duterte sa 2028 Presidential elections, iginiit ni Senator Rodante Marcoleta na hindi niya ito iniisip sa kasalukuyan.

Sa kanyang programa nitong weekend, sinabi ni Marcoleta na mas nakatuon siya sa kanyang tinatawag na personal na “quest for correction.”

“Sa dami ng nais kong ituwid ngayon, yung tinatanong niyo sa akin na yun [pagiging running mate], hindi ko na pinag iisipan eh. Ang gusto ko munang gawin ngayon, ituwid ko lahat ang mga mali nito. Hirap na hirap ako eh,” ani Marcoleta.

Ipinahayag din niya na may mga “mali” mula sa Senado at dating mga justices ng Korte Suprema na kasalukuyan niyang itinutuwid, kabilang sina Justice Carpio, Sen. Ping, Tarriela, Batongbacal, at bahagi ng sinabi ni Sen. Tol.

Ayon sa senador, napakarami ng kailangang ayusin kaya’t abala siya sa kasalukuyan.

“Napakarami kong itutuwid ngayon. Hindi ko alam kung kailan ako matatapos. Dito ngayon ako abalang-abala,” dagdag pa niya.

Hindi rin ito nagbigay ng detalye tungkol sa mga tiyak na “mali” na kanyang tinutukoy.

Ang pahayag ni Marcoleta ay lumabas ilang araw matapos ihayag ni VP Sara noong Pebrero 18 ang kanyang planong pagtakbo bilang pangulo sa 2028, na isang maagang deklarasyon para sa darating na halalan.