-- Advertisements --

Tumaas umano ng 590% ang police killings sa unang 25 buwan ng panunungkulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016, ayon sa prosekusyon sa International Criminal Court (ICC).

Sa ikalawang araw ng confirmation of charges, sinabi ni ICC trial lawyer Robynne Croft na sistematiko at malawakan umano ang mga pagpatay kaugnay ng war on drugs.

May hindi bababa sa 274 kumpirmadong pagpatay noong alkalde pa si Duterte sa Davao, at lalo pa itong tumaas nang maging pangulo siya.

Habang 3,000 hanggang 5,000 ang opisyal na bilang ng gobyerno, tinatayang maaaring tatlong beses na mas mataas ang aktuwal na bilang ayon sa human rights groups

Sa Bulacan, umabot umano sa 1,600% ang pagtaas ng police killings, at mas mataas pa ang bilang kada 100,000 populasyon kumpara sa buong bansang India mula 2016 hanggang 2018.

Ayon sa ekspertong nakausap ng prosekusyon, ang tanging makatuwirang paliwanag dito ay ang pagkakaroon umano ng malawakang polisiya ng extrajudicial killings.

Iginiit din ng prosekusyon na dinala umano ng dating Pangulo ang tinatawag na “Davao formula” sa national level katuwang ang mga kaalyado sa matataas na posisyon, at ipinakita rin ng prosecutor ang mga talumpati ni Duterte na umano’y naghihikayat sa pulisya na pumatay kapalit ng proteksyon at gantimpala.