-- Advertisements --

Inaresto ng awtoridad ng Russia ang isang mamamahayag na Hapon sa paghihinalang isa itong espiya na nangangalap ng mga classified na impormasyon kaugnay ng depensa ng Moscow laban sa Tokyo.

Kinikilala ang Hapon na mamamahayag na si Yuki Imai ng Hokkaido Shimbun newspaper. Inaresto si Imai sa Sakhalin region, isang araw bago ang nakatakda niya sanang pag-uwi.

Ayon sa Russian authorities, utos umano ng national intelligence service ng Japan kay Imai ang mangalap ng impormasyon hinggil sa mga taong bahagi ng special military operations sa Kuril Islands.

Inilipad naman si Imai tungong Moscow sa utos ng Russian court na isailalim ito sa pre-trial detention.

Samantala, kasalukuyan namang nakaantabay ang pamahalaan ng Japan para sa updates hinggil sa pagkaaresto ni Imai bagama’t bigo man itong ma-contact ang nasabing mamamahayag.

Ang pag-aresto kay Imai ay kaugnay ng namumuong tensyon sa pagitan ng Japan at Russia kasunod ng pagbisita ni Russian President Vladimir Putin nitong Agosto sa pinag-aagawang teritoryo ng Kuril Islands ng dalawang bansa.

Matatagpuan ang Kuril Islands sa pagitan ng isla ng Hokkaido at Kamchatka Peninsula ng Russia kung saan pinamamahalaan ng Russia ang nasabing kapuluan habang apat sa mga pulo nito ay inaangkin ng Japan.