-- Advertisements --

Inaasahang lalo pang gigisahin sa susunod na pagdinig ng Senado si dating Deparment of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan dahil sa umano’y maling grid coordinates na ibinigay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Plano ng Senate Blue Ribbon Committee na mag-pokus sa maling coordinates sa susunod na pagdinig ng komite, kung saan target na matunton kung sinadya ba ng DPWH na magbigay ng maling impormasyon sa pangulo, at kung sino ang nasa likod nito.

Ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson, dahil nasa Pilipinas na rin si Bonoan, akma lamang na siya ang magpaliwanag dito, dahil siya ang nagsisilbi pa ring kalihim noong ipinasa ito sa pangulo upang magsilbing gabay sa isumbongsapangulo website.

Nagbabala rin ang batikang Senador na hindi siya mag-aatubiling patawan ng contempt ang dating kalihim at tuluyang idetene kung iiwas siya o hindi niya sasagutin ng tama ang mga katanungan ng mga Senador.

Tinukoy din ni Lacson ang mga testimoniya nina Public Works Undersecretaries Arthur Bisnar at Ricardo Bernabe III na nagpapakitang mayroong ‘malinaw na pattern’ ng mga maling lokasyon ng mga kuwestyunableng flood control projects.

Nananatili aniyang mataas ang posibilidad na sinadya ang pagbibigay ng maling coordinates, lalo at hanggang 86% ng mga proyekto na una nang nasuri, ay pawang may mali-maling datus.

Posible rin aniyang ang pagsadya rito ay hindi lamang upang siraan ang ‘umbong sa Pangulo’ website, kungdi upang pigilan ang posibleng pagkatunton sa mga ito, at ang tuluyang paglilitis sa mga kasong may kaugnayan sa mga depektibong proyekto.

Inihalimbawa ng Senador ang isang kaso na gumagamit ng datus mula sa naturang website bilang ebidensiya. Maaari aniyang kuwestyunin ng defense panel ang kredibilidad ‘Sumbong sa Pangulo’ website at ituro ang mga mali-mali nitong impormasyon.

Sa kasalukuyan, wala pang takdang petsa kung kailan muli gugulong ang susunod na flood control scandal hearing habang nakatakda namang magbalik ang sesyon ng Kongreso sa susunod na linggo.