Ipinagtanggol ng mga mambabatas ang hakbang ng Kamara na isailalim sa kanilang kustodiya si Ramil Madriaga, ang dating tauhan at testigo laban kay Vice President Sara Duterte, sa kabila ng pagbatikos ng pangalawang pangulo sa umano’y pagbibigay ng special treatment sa isang akusado ng kidnapping.
Ayon kay Manila Rep. Joel Chua, ang pagtutol ng bise presidente na ipasok sa pangangalaga ng House Committee on Justice si Madriaga para sa impeachment proceedings ay tila nagpapahiwatig ng takot sa posibleng ibunyag ng kanyang dating aide.
Nauna rito, pinuna ni VP Duterte ang naging mosyon ni Akbayan party-list Rep. Chel Diokno para sa kustodiya ni Madriaga.
Nilinaw naman ni Diokno na ang tanging layunin ng kanyang mosyon at pag-iisyu ng subpoena ay upang maprotektahan ang proseso.
Matatandaang si Madriaga ay mahalagang bahagi ng dalawang natitirang impeachment complaints laban kay Duterte.
Inakusahan nito ang bise presidente na nag-uutos umanong maghatid ng malalaking halaga ng pera sa ilang indibidwal na konektado sa isyu ng maling paggamit ng confidential funds.
Bilang tugon, nagsampa si Duterte ng kasong perjury laban kay Madriaga, at pinaratangan itong bahagi ng isang kidnap-for-ransom group na nagpaplano umanong i-assassinate siya.
















