Isiniwalat ni Batangas 1st district Representative Leandro Leviste na may hawak siyang mga ebidensiya na nagpapakita ng pagtanggap ng kickbacks, na higit pa sa Cabral files.
Ipinaliwanag din ng mambabatas kung bakit hindi pa niya ito inilalabas sa ngayon sa kadahilanang pinayuhan siya na hindi pa ito ang tamang panahon para gawin ito.
Subalit, nakahanda na aniya ang mga video, upang sakaling may mangyaring masama sa kaniya ay lalabas ang katotohanan.
Ginawa ni Rep. Leviste ang pahayag kasunod ng claims ni Act Teachers Party-list Representative Antonio Tinio na mas mainam na si Leviste ang magbunyag at magpaliwanag ng nilalaman at kung paano niya nakuha ang mga rekord ng palitan ng text messages sa pagitan umano nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating legislative liaison officer Adrian Bersamin, na magpapatunay aniya na alam ng Pangulo ang hinggil sa kickbacks mula sa maanomaliyang insertions sa pambansang pondo.
Ayon kay Rep. Tinio, nakita niya ang mga record ng komunikasyon sa pagitan ng Pangulo at nakababatang Bersamin mula Disyembre 2024 hanggang Hulyo 2025, na nagdedetalye kung saan eksaktong napunta ang naturang kickbacks.
Samantala, inamin din ni Rep. Leviste na lumapit sa kaniya at nakiusap ang ina ng ilang kongresista ng administrasyon na magtungo siya sa ibang bansa at itigil ang pagbubunyag ng ebidensiya kaugnay sa mga proponent ng mga maanomaliyang proyekto ng DPWH.
Subalit, iginiit ng mambabatas na ayaw niyang magtungo abroad. Aniya, sa oras na lumabas ang ebidensiya, dito umano malalaman kung bakit siya inaatake dahil natatakot sila na ilabas niya ang mga ito.
Sa kabila nito, hindi aniya siya matitinag sa mga walang basehang alegasyon at naniniwalang lalabas ang katotohanan sa tamang panahon.
Umaasa rin si Leviste na maibunyag ang katotohanan nina dating DPWH USec. Roberto Bernardo, dating DPWH Sec. Manuel Bonoan kasama ang dating mga kalihim at undersecretaries ng Gabinete.
Sa huli, umaasa si Leviste na wala ng testigo ang mamamatay, mahuhulog sa bangin o mapapatahimik. Subalit sakali man aniyang mangyari ito, mas mainam na iwanan ang kanilang files, affidavit o recordings sa mapagkakatiwalaang indibidwal upang hindi mabaon ang katotohanan.
















