-- Advertisements --

Kampante si Sen. Erwin Tulfo na maaabot ang 11 bilang ng mga senador na pipirma sa initial report ng Senate Blue Ribbon Committee, kasunod ng mga serye ng imbestigasyon nito sa flood control scandal.

Ang mga ito ay pawang mula sa majority bloc.

Gayonpaman, sinabi rin ng senador na ilan sa kanila ang nauna nang nagsabi kay committee chairman, Sen. Panfilo Lacson na mayroon silang mga ‘reservation’ ukol sa mga nilalalman ng initial draft at nais din nilang magpasok ng ilang amendments kapag naisumite na ang report sa plenaryo para sa deliberasyon.

Paliwanag ng senador, ipapahayag pa rin ng mga senador ang kanilang pagtutol sa ilang nilalaman ng naturang report kung saan inaasahang ilalabas din nila ang kani-kanilang ‘individual amendments’.

Una na rin aniyang naipaabot kay Senate President Vicente Sotto III ang naturang isyu, at bukas din ang lider ng senado sa rekomendasyon ng mga kapwa senador.

Sa naunang draft report na lumabas, nakasaad dito ang pagrerekumenda ng criminal cases laban sa ilang senador tulad nina Senator Francis Escudero, Sen. Jinggoy Estrada, at Sen. Joel Villanueva, na pawang mga miyembro ng minority bloc.

Inirerekumenda rin dito ang paghain ng kaso laban kina dating Sen. Ramon Revilla Jr., nagbitiw na kinatawan ng Ako Bicol Partylist na si Zaldy Co, at dating Caloocan City Rep. Mitch Cajayon Uy

Gayunpaman, sa kasalukuyan ay hindi pa inilalabas ang buong kopya ng report at hindi pa malinaw kung may maidadagdag na pangalan, habang isinasapinal ng makapangyarihang komite ang sarili nitong ulat.