-- Advertisements --

Tinatayang nasa mahigit 5,000 mga opisyal mula sa pamilyang politikal ang posibleng maalis sa puwesto kapag naipasa ang panukalang Anti-Political Dynasty bill sa Kamara.

Ito ang ibinunyag ni Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong.

Ayon kay Adiong, batay sa paunang pag-aaral ng Socioeconomic Research Bureau (SERB) ng House of Representatives gamit ang datos mula sa Commission on Elections nasa 9,852 mula sa 17,983 lokal na posisyon (54.8%) ang hawak ng mga posibleng miyembro ng political dynasties mula sa tinatayang 4,239 pamilya.

Ipinaliwanag ng mambabatas na ang bersyon ng panukala sa House of Representatives ay nagbabawal sa sabay-sabay na pagtakbo o panunungkulan ng mga magkakamag-anak hanggang ikalawang antas ng relasyon.

Ayon sa mga projection, mahigit 5,000 elective positions ang maaaring mabakante kapag ipinatupad ang batas, na inaasahang magbubukas ng mas maraming pagkakataon para sa mga bagong lider.

Nakatakdang talakayin sa plenaryo ng Kamara ang House Bill No.8389 ngayong araw ng Miyerkules.