-- Advertisements --

Nakikitang problema sa pinaplanong pag-amyenda sa rules of procedure sa impeachment proceedings ng House of Representatives ang hindi pa nareresolbang unang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, ayon sa isa sa nagsilbing House Impeachment Prosecutor.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo, ipinaliwanag ni Bukidnon 2nd District Representative Atty. Jonathan Keith Flores na nakabinbin pa rin sa Korte Suprema ang kanilang motion for reconsideration, na humihiling para bawiin o baligtarin ang desisyon ng Korte na nagsabing labag sa Konstitusyon ang impeachment complaint laban sa Bise Presidente.

Aniya, dapat na maglabas na ang Korte Suprema ng desisyon sa lalong madaling panahon upang makapagpasya ang kapulungan kung rerepasuhin o hindi ang kanilang impeachment rules.

Nagbigay din ng ideya ang mambabatas sa mga posibleng rebisyon sa impeachment rules ng Kamara alinsunod sa naging ruling ng Korte Suprema, kabilang ang pagbibigay ng due process sa iniimpeach na opisyal at pagbibigay ng kopiya ng articles of impeachment ng may supporting evidence para sa lahat ng House members bago ito ma-transmit sa Senado.

Matatandaan, una nang inihayag ni Tingog Rep. Jude Acidre na nagbabalak ang Mababang Kapulungan na bumuo ng bagong impechment rules na naaayon sa desisyon ng Korte Suprema kaugnay sa nauna nilang impeachment complaint laban sa Bise Presidente.

Ito ay para masigurong mas malakas na ang impeachment complaint sakaling may muling ihahain sa Kamara.

Magugunitang idineklara ng Korte Suprema bilang “unconstitutional” ang impeachment complaint laban kay VP Sara noong Hulyo 25, 2025 dahil sa paglabag sa one-year bar rule at hindi pagbibigay ng due process sa Bise Presidente.

Kasunod ng desisyon, naghain ng motion for reconsideration ang House noong Agosto 4, 2025 na humihiling sa Korte Suprema para baliktarin ang desisyon nito.

Nagresulta ang ruling ng Korte sa pagtigil ng impeachment trial sa Senado at in-archive ang impeachment complaint laban sa Bise Presidente.