Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na iba pa ang 5,000 fuel subsidy mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa tulong pinansiyal na magmumula sa ahensiya.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, tanging ang listahan ng tricycle drivers pa lamang ang hinihingi ng DSWD mula sa mga lokal na pamahalaan habang para sa mga tsuper ng dyip, kukunin ang listahan ng mga benepisyaryo mula sa rekord ng LTFRB.
Nilinaw din ng kalihim na wala silang hininging dagdag na requirements.
Ginawa ng kalihim ang paglilinaw matapos sabihin ni Manibela chairperson Mar Valbuena na maraming tsuper umano ang hirap na makwalipika sa programa ng DSWD na Assistance to Individual in Crisis Situation (AICS) dahil sa ilang requirements na itinakda ng mga lokal na pamahalaan.
Gayundin, idinulog ni Valbuena ang paggamit umano ng outdated na listahan ng mga benepisyaryo para sa cash assistance program, na noon pang COVID-19 pandemic.















