-- Advertisements --

Posibleng mawalan ng mahigit P226 billion hanggang P232 billion ang ekonomiya ng Pilipinas kung ipatutupad ang total deployment ban ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa Middle East, ayon ‘yan kay Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) Secretary Arsenio Balisacan.

Sinabi ni Balisacan na maaaring mangyari ang pagkawala ng nasabing halaga kung sakaling ma-repatriate o mapauwi ang humigit-kumulang 550,000 Pilipino na kasalukuyang nagtatrabaho sa rehiyon.

Ayon sa kanya, ang naturang halaga ay katumbas ng halos 65% ng remittances o perang ipinapadala ng mga OFW mula sa Middle East dito sa Pilipinas.

Dahil dito, malaki ang magiging epekto nito hindi lamang sa mga manggagawang Pilipino kundi pati na rin sa kabuuang ekonomiya ng bansa.

Batay sa datos ng Department of Foreign Affairs, may tinatayang 2.41 milyong Pilipino na nagtatrabaho sa iba’t ibang bansa sa Middle East. Pinakamarami sa kanila ay nasa United Arab Emirates na may humigit-kumulang 975,000 OFW.

Sumunod dito ang Saudi Arabia na may 813,000, Qatar na may 250,000, at Kuwait na may 211,000 Pilipinong manggagawa. Samantala, mayroong humigit-kumulang 31,000 Pilipino OFW din sa Israel at nasa 800 naman ang mga manggagawang Pilipino ang nasa Iran.

Binigyang-diin ni Balisacan na ang anumang hakbang na maglilimita sa deployment ng mga OFW sa Middle East ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa remittances at sa ekonomiya ng Pilipinas.