Nanawagan si Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) Secretary Arsenio Balisacan ng dagdag na pondo para sa mga Regional Development Councils (RDCs) sa 2026, upang maiwasan ang mga proyekto ng gobyerno na hindi epektibo o puro aksaya lamang.
Ito ang apela ni Balisacan sa pagbusisi ng panukalang pondo ng Department of Economy, Planning, and Development para sa 2026.
Binanggit ni Balisacan na ang Regional Development Councils ang karaniwang nasa ground level na nagmomonitor ng mga proyektong pang-imprastruktura, kabilang ang mga proyekto ukol sa flood control.
Dagdag pa niya, kailangan ding maglaan ng mas maraming pondo para sa Research and Development Monitoring and Evaluation.
Pansin daw ng kalihim na tila kulang ang pagpapahalaga sa kung ano ang magagawa ng monitoring at evaluation.
Binanggit din ni Balisacan na hindi naman ito mamahaling aktibidad.
Samantala, kinilala naman ni Senate Committee on Finance Chairman Senador Sherwin Gatchalian, ang apela ni Balisacan at inaming kailangan ng reporma sa proseso ng pagpaplano at pagbabadget ng pamahalaan, pati na rin sa budgeting coordination.