Mag-asawang katutubong Ati na nakuhaan ng P65K na pekeng pera sa kasagsagan ng Kalibo Ati-Atihan festival, pansamantalang nakalaya – PNP
KALIBO, Aklan — Pansamantalang nakalaya ang mag-asawang katutubong Ati na naaresto dahil sa pagdadala ng humigit-kumulang P65,000 na pekeng P1,000 peso bill noong Enero 16, ikalimang araw ng selebrasyon ng Kalibo Sr. Sto. Niño Ati-Atihan Festival 2026.
Ayon kay P/Capt. Jovier Ponghon, deputy chief of police ng Kalibo Municipal Police Station, hindi umabot sa itinakdang oras ang pagsasampa ng kaso laban sa naturang mga indibidwal dahil sa tinatawag na reglementary period.
Isa sa mga dahilan kung bakit hindi umabot sa nasabing oras ang pagsasampa ng kaso ay ang mga kinailangang proseso at legal na dokumento, partikular ang sertipikasyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas na counterfeit ang mga narekober na pera.
Tinatayang tatagal ang proseso ng 40 araw. Sa oras na mapatunayang peke ang naturang mga pera, dito na sasampahan ng kaso ang mag-asawa na tubong Brgy. Cabugao, Batan subalit pansamantalang naninirahan sa Brgy. Man-up, Altavas sa lalawigan ng Aklan.
Naharang ng mga pulis na nakatalaga sa screening area sa C. Laserna St., Kalibo ang mag-asawa dakong alas-2:45 ng hapon, kung saan, boluntaryong umanong binuksan ng babae ang kanyang sling bag na naglalaman ng maraming P1,000 peso bill.
Sa interview ng Bombo Radyo kay alyas Eric, naipon nila ang pekeng pera mula sa paagaw na ginawa ng kanyang amo sa isang construction site sa bayan ng Altavas noong nakaraang Christmas party.
Lingid umano sa kanyang kaalaman na dinala ng kanyang misis ang pekeng pera sa Kalibo na makikisaya lamang sana sila sa festival.
Dagdag pa niya, hindi pa nila ito nagagamit nang maharang ng mga awtoridad.
Iniimbestigahan pa ng pulisya at BSP ang pinagmulan ng pekeng pera at kung may kaugnayan ang mag-asawang katutubo sa naarestong most wanted person sa Aklan na may kaso rin kaugnay sa paggamit ng pekeng pera.
Sa pagsisimula ng Ati-Atihan fever sa Aklan, isang may-ari ng sari-sari store at isang nagtitinda ng luya ang nabiktima ng mga indibidwal na gumagamit ng pekeng P1,000 peso bill.
















