Hinimok ni Senador Francis Escudero ang mga pribadong kumpanya na isaalang-alang ang pagpapatupad ng apat na araw na onsite workweek o kaya’y staggered work hours upang mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa gitna ng tensyon sa Middle East.
Ito ay matapos i-anunsiyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magpapatupad ang mga tanggapan ng executive branch ng 4-day workweek simula ngayong Lunes, Marso 9 bilang hakbang para makatipid sa enerhiya.
Ayon sa mambabatas, makatutulong ang flexible work arrangements upang mabawasan ang demand sa transportasyon, mapababa ang gastos ng mga kumpanya, at mabawasan ang pagkalugi ng ekonomiya dahil sa trapiko.
Binanggit niya ang mga business district tulad ng Makati at Bonifacio Global City, na kabilang sa may pinakamabigat na trapiko, bilang posibleng magsimula sa ganitong sistema.
















