-- Advertisements --

Handa nang pamunuan muli ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson ang Blue Ribbon Committee na nag-iimbestiga sa maanomalyang flood control projects.

Sa pulong-balitaan, sinabi ni Lacson na kung sakaling ihalal siya sa plenaryo ay tatanggapin niya ang chairmanship upang maipagpatuloy ang naudlot na imbestigasyon.

Dagdag pa niya, handa naman siya sa posibleng pagkwestiyon ng ilang senador sa anumang magiging desisyon o direksyon ng pagsisiyasat kaugnay ng flood control scandal.

Napag-usapan na rin daw nila ni Senate President Tito Sotto ang posibilidad na ma-destabilize ang kanyang leadership sa oras na maupo siya bilang chairman ng komite.

Samantala, sa muling ikakasang pagdinig ng komite, may ihaharap daw si Lacson na isang “very important witness” na maglalantad ng mga panibagong rebelasyon kaugnay ng umano’y iregularidad sa mga flood control project.

Ayon kay Lacson, ang testimonya nito ay makatutulong upang maisara ang lahat ng mga natitirang isyu at mapalakas ang kaso laban sa mga sangkot.

Tumanggi si Lacson na pangalanan ang naturang testigo, ngunit sinabi niyang may ilalabas itong mahalagang impormasyon sa pagdinig.

Binigyang-diin ng senador na parehong mga bagong pangalan at dati nang nababanggit na personalidad ang posibleng masangkot batay sa ilalahad ng testigo.

Nang tanungin kung ang testigo ba ay kusang lumapit sa kanyang opisina, sinabi ni Lacson na may “conduit” o tagapamagitan sa kanilang komunikasyon.

Nakatakda ang susunod na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa November 14, depende pa sa pag-apruba ng Senate Committee on Finance.