Naglabas ng advisory ang Phivolcs ngayong araw, kaugnay sa pagtaas ng seismic activity sa Bulusan Volcano sa Sorsogon.
Naitala ng Bulusan Volcano Network ang 49 volcanic earthquakes mula Pebrero 26, kung saan 16 ay volcano-tectonic na may kaugnayan sa rock fracturing sa ilalim ng bulkan.
Sa kabila nito, nananatili sa Alert Level 0 ang bulkan, na nangangahulugang walang nakikitang banta ng magmatic eruption.
Gayunpaman, posibleng magdulot ng biglaang steam-driven o phreatic eruption ang tumitinding hydrothermal processes.
Mahina hanggang katamtaman lamang ang degassing activity mula sa summit crater at active vents, at napakababa ng sulfur dioxide emission.
Pinapaalalahanan ang publiko na iwasan ang loob ng 4-kilometer radius Permanent Danger Zone dahil sa panganib ng phreatic eruption, rockfall, at landslides.
Inatasan ang mga local government units na ihanda ang kanilang emergency plans sakaling itaas sa Alert Level 1 ang status ng bulkan.
Pinayuhan din ang civil aviation authorities na iwasan ang paglipad malapit sa summit dahil maaaring maging delikado sa aircraft ang abo.
Patuloy na binabantayan ng DOST-PHIVOLCS ang kondisyon ng Bulusan Volcano at agad na ipaaabot ang anumang bagong impormasyon.
















