Tinatrabaho na ng Department of Migrant Workers (DMW) ang repatriation sa labi ng nasawing Pinay caregiver sa Israel na si Mary Ann Velazquez de Vera, matapos tamaan ng shrapnel ng Iranian strike sa Israel nitong weekend.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, nakikipag-ugnayan na ang kaniyang opisina kasama ang Embahada ng Pilipinas sa Tel Aviv sa asawa ng nasawing Pinay caregiver, na nasa Israel din para ma-repatriate ang labi.
Tiniyak din ng kalihim na magbibigay ng tulong pinansiyal ang action fund ng gobyerno sa asawa ng Pinay caregiver habang magbibigay naman ng dagdag na tulong ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para sa funeral at burial ng nasawing OFW.
Hinimok naman ng DMW Chief ang mga Pilipinong naninirahan sa Israel na manatili sa bahay o sa kanilang trabaho at iwasan munang lumabas sa ngayon.
Siniguro rin ng kalihim na may nakalatag na contingency plan ang pamahalaan sakaling kailanganing i-repatriate ang mga OFW, subalit nakadepende pa rin aniya ito sa availability ng flights at pagbubukas ng airspace sa mga bansa sa Middle East na apektado ng digmaan.
















