Sa isyu ng kinakailangang bilang ng boto para sa conviction tututok ang Senate impeachment court sa ika-29 na araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ngayong Miyerkules.
Nakatakdang isagawa ngayong araw ang oral arguments sa usapin ng voting threshold, kung saan ilalatag ng mga panig ang kanilang mga argumento bago magpasya ang mga senator-judge.
Nauna nang humingi ng opinyon ang impeachment court sa mga amici curiae o “friends of the court” tungkol sa interpretasyon ng Konstitusyon sa bilang ng boto na kailangan para mahatulan ang isang opisyal sa impeachment trial.
Ayon kay Senate impeachment court spokesperson Atty. Regie Tongol, posibleng maipagpaliban ang botohan sa threshold kung kakailanganin pa ng mga senator-judge ng karagdagang panahon para mapag-aralan ang mga bagong argumentong ilalatag sa oral arguments.
Samantala, hindi na matutuloy ngayong araw ang inaasahang pagharap ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa impeachment court.
Na-reset ang kanyang subpoena at itinakda ang pagharap niya sa Senado sa Setyembre 28 hanggang 30 kaugnay ng mga isyung lumitaw sa pagtalakay sa umano’y business interests na idineklara ni Vice President Duterte sa kanyang SALN.
















