-- Advertisements --

Binawi ng mga  complainants ang ikalawang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte at inilipat ang buong suporta sa ikatlong impeachment complaint na nakabinbin ngayon sa House Committee on Justice.

Sa liham na may petsang Marso 2, 2026 kay Committee on Justice Chair Atty. Gerville “Jinky Bitrics” R. Luistro, sinabi ng mga complainant na matapos ang masusing pagninilay, napagpasyahan nilang bawiin ang kanilang reklamong inihain noong Pebrero 2 at suportahan ang ikatlong complaint na inihain nina Rev. Fr. Joel Saballa at iba pa noong Pebrero 9, at inendorso ni Rep. Leila M. De Lima.

Ayon sa kanila, pareho lamang ang mga alegasyon at ebidensiya sa ikatlong reklamo, at makatutulong ang hakbang upang mapabilis ang proseso ng pananagutan at maiwasan ang anumang isyu sa iskedyul ng paghahain.

Kasunod nito, binawi rin nina Rep. Percival Cendaña (Akbayan Party-list) at Rep. De Lima ang kanilang pag-endorso sa ikalawang reklamo at nagpahayag ng suporta sa ikatlong impeachment complaint.

Ipinaliwanag naman ni ML Partylist Rep. Leila De Lima ang naging dahilan ng pag withdraw ng mga complainants sa kanilang impeachment complaints.

Sinabi ni De Lima na ang pagbawi ay hindi hudyat ng pagsuko kundi nais lamang nga mga complainants na mapabilis ang proseso para ma impeach ang pangalawang pangulo.

Sa ilalim ng mga patakaran ng Kamara, dapat munang tukuyin ng Committee on Justice ang sapat na porma at laman ng mga verified complaint bago umusad sa pagdetermina ng probable cause.

Dahil sa pagbawi, nakatuon na ngayon ang deliberasyon ng komite sa mga natitirang reklamo, kabilang ang ikatlong complaint na ngayon ay may mas pinalakas na suporta.