Dininig na sa Senado ang umano’y korapsyon sa loob ng Bureau of Internal Revenue (BIR), partikular sa pang-aabuso sa Letter of Authority (LOA) na ginagamit umanong money-making scheme ng ilang tauhan ng ahensya.
Ang Letter of Authority ay nagbibigay sa mga revenue officer ng kapangyarihan na suriin at i-audit ang mga books of accounts ng isang taxpayer upang matukoy ang kanilang tamang pananagutan sa buwis.
Sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee, binigyang-diin ni Senador Erwin Tulfo na matagal nang may reklamo mula sa maliliit hanggang malalaking negosyo na hindi patas ang kanilang naranasan sa ilang opisyal at examiner ng BIR.
Aniya, sa halip na makaranas ng maayos at makatarungang tax assessment, marami ang umano’y pinilit, tinakot, o hiningian ng hindi makatarungang pag-areglo kapalit ng pag-atras sa tax investigation.
Maging mga international companies, ayon kay Tulfo, ay nagpahayag ng pangamba tungkol sa umano’y pang-aabuso, base sa mga hinaing na ipinaabot sa foreign chambers of commerce at maging sa ilang ambassador.
Tinukoy ng senador na habang layon ng LOA at mission orders na tiyakin ang tamang pagbabayad ng buwis, hindi ito dapat nagagamit bilang instrumento ng korapsyon.
Ipinunto niya na dalawang porsyento lamang ng koleksiyong buwis mula sa business sector ang nagmumula sa LOAs at mission orders, habang 98 percent ay kusang binabayaran ng mga negosyo.
Ayon kay Tulfo, may mga alegasyon na malaking bahagi ng nakokolekta mula sa LOAs ay hindi na napupunta sa gobyerno.
Sa ilang ulat, 25 percent lamang umano ang nai-remit nang may resibo, habang 75 percent ay napupunta sa bulsa ng ilang examiner, revenue district officers, at regional directors.
Kinumpirma naman ni Acting Finance Secretary Frederick Go na naglalaro sa 2 hanggang 2.6 percent ang annual share ng LOA-generated collections.
Dahil dito, iginiit ni Tulfo na dapat tiyaking hindi naaabuso ang LOA at mission order system at may sapat na safeguards para hindi magamit sa panggigipit sa mga negosyante.
Samantala, tinuligsa rin ni Tulfo ang ahensya dahil pati maliliit na negosyo ay nakararanas umano ng panggigipit at paulit-ulit na pag-audit ng BIR sa pamamagitan ng LOA.
Ngunit paliwanag ng BIR, walang legal na limitasyon kung sino ang maaaring i-audit, ngunit kailangan ng prioritization.
Nilinaw ni BIR Commissioner Charlito Mendoza na wala umanong legal na limitasyon kung anong uri ng taxpayer ang maaaring isailalim sa audit.
Gayunman, aminado ang komisyoner na kailangan ng malinaw na prioritization, lalo’t limitado ang bilang ng BIR examiners.
Pinag-aaralan na rin daw nila ang panuntunang mag-oobliga sa regional directors na humingi muna ng clearance mula sa deputy commissioner o mismong commissioner bago maglabas ng LOA.














