-- Advertisements --

Ipinasara ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang isang malaking online selling operation sa Cebu City matapos umanong hindi ideklara ang mahigit P211 million na benta.

Sa isang pahayag, sinabi ng BIR na ipinatupad ang closure order noong Marso 12 sa ilalim ng Oplan Kandado program.

Isinagawa ang imbestigasyon ng Regional Investigation Division ng Revenue Region No. 13 – Central Visayas kasama ang National Bureau of Investigation – Central Visayas Regional Office (NBI-CEVRO).

Ayon sa BIR, nagsimula ang operasyon matapos makatanggap ang mga awtoridad ng confidential information tungkol sa isang online seller na nagbebenta umano ng luxury goods sa pamamagitan ng Facebook Live at iba pang digital platforms nang walang iniisyung official receipts at walang tamang rehistro sa BIR.

Sa isinagawang surveillance at tax compliance verification, natukoy ng mga operatiba na may kaugnayan ang negosyo sa mga lokasyon sa Jamestown at Mabini Street sa Mandaue City, gayundin sa Barangay Pahina Central sa Cebu City.

Naglabas din ang BIR ng mission orders upang bantayan ang sales activities, beripikahin ang tax compliance, at magsagawa ng inventory ng mga produktong sakop ng buwis.

Batay sa mga business records na nakumpiska sa operasyon, lumalabas na umabot sa mahigit P211 million ang gross sales ng establisimyento ayon sa sarili nitong transaction records.

Mula rito, tinatayang may minimum tax liability ang negosyo na P40.4 millon, kabilang ang surcharges at penalties.

Patuloy pa ring hinahanap ng BIR ang indibidwal na nasa likod ng operasyon matapos hindi ito tumugon sa mga ipinadalang notice ng ahensya.