Binigyang-diin ng Department of Finance (DOF) at Bureau of Internal Revenue (BIR) na mayroon nang ipinapatupad na tax relief measures bago pa man ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Maaalalang ang tax relief measures ay isa sa mga tinukoy ng pangulo sa kaniyang Ulat sa Bayan, na malugod ding tinanggap ng publiko.
Ayon sa DOF at BIR, umiiral na ang ilang tax measures na nagbibigay ginhawa sa mga manggagawa, maliliit na negosyo, at iba pang uri ng taxpayers.
Kabilang dito ang One-Time Tax Abatement Program for Micro Taxpayers, na ipinatupad sa ilalim ng Revenue Regulations (RR) No. 4-2026 mula pa noong June 22, 2026.
Sa ilalim nito, maaaring makinabang ang mga kwalipikadong micro taxpayers sa pag-alis o pagbabawas ng kanilang mga hindi pa nababayarang obligasyon sa buwis at kaukulang penalties.
Nagpahayag din ang dalawang opisina ng kanilang kahandaang suportahan ang isinulong ng kasalukuyang administrasyon na tax relief para sa mga middle class habang patuloy na bumabangon ang ekonomiya.
Inihayag din ng mga ito ang kanilang pagnanais na tumulong para sa paggawa ng mga panukalang batas o polisiya na makakapagpagaan sa pasanin sa pagbubuwis ng mga Pilipinong taxpayer.
















