-- Advertisements --

Iginiit ni Senator-Judge Alan Cayetano na sa Supreme Court dapat unang linawin ang usapin sa voting threshold para sa conviction sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Cayetano, hindi niya tinututulan ang pagtalakay sa threshold, pero kinukuwestiyon niya ang timing ng pagresolba rito dahil nasa kalagitnaan na ng impeachment trial.

Para kay Cayetano, mas nararapat sanang napag-usapan ang usapin bago pa man maaprubahan ang mga patakaran para sa paglilitis. Sa ganitong paraan, mabibigyan umano ng pagkakataon ang lahat ng panig na dalhin muna sa Supreme Court ang usapin bago magsimula ang trial.

Binigyang-diin din ng senador na maaaring kuwestiyunin sa Supreme Court ang magiging resulta ng impeachment proceedings, kaya kailangang tiyakin ng Senate impeachment court na hindi magkakaroon ng problema sa hurisdiksyon o magiging pag-abuso sa kapangyarihan sa magiging desisyon nito.

Nagbabala rin si Cayetano sa posibleng epekto ng pagbabago sa bilang ng mga senador na pagbabasehan sa pagkukuwenta ng two-thirds requirement habang nagpapatuloy ang paglilitis.

Giit niya, seryoso ang impeachment process at hindi dapat nagbabago ang magiging batayan ng desisyon habang nagpapatuloy na ang paglilitis.