Iniulat ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na naprotektahan nito ang tinatayang P460.98 million na kita ng pamahalaan matapos ang magkakasunod na operasyon laban sa ilegal na mga sigarilyo sa Pampanga noong Pebrero 11 at 16, 2026.
Ayon sa BIR, bahagi ang mga operasyon ng pinaigting na kampanya kontra tax evasion sa buong bansa.
Pinangunahan ito ng BIR Revenue Region No. 4 (Central Luzon) katuwang ang Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).
Sa unang operasyon noong Pebrero 11, sinalakay ng mga awtoridad ang isang bodega sa Barangay Panipuan, Lungsod ng San Fernando. Nasamsam dito ang mga makinang panggawa ng sigarilyo at mga hilaw na materyales na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P147.6 million.
Narekober din ang tinatayang 700,000 pekeng excise tax stamps na may halagang P48.62 million.
Sa isinagawang beripikasyon gamit ang Excise Tax Stamp Authentication System ng BIR, lumabas na gagamitin sana ang mga ito sa paggawa at distribusyon ng ilegal na sigarilyo upang makaiwas sa pagbabayad ng buwis.
Sa follow-up operation noong Pebrero 16 sa Golden Sun 999 Industrial Park sa San Simon, nasamsam ang 1,013 master cases ng ilegal na sigarilyo, katumbas ng tinatayang 506,500 pakete.
Tinatayang aabot sa P412.36 million ang kabuuang pananagutan sa buwis, kabilang ang excise tax, value-added tax, surcharge, interes, at iba pang multa.
Sinabi ng BIR na patuloy ang kanilang imbestigasyon upang matukoy ang mga may-ari ng bodega at iba pang sangkot. Inihahanda na rin ang pagsasampa ng kaukulang kasong kriminal at paglabag sa buwis.
Binigyang-diin ng ahensya na magpapatuloy ang kanilang mga operasyon laban sa ilegal na sigarilyo upang mapangalagaan ang pondo ng pamahalaan at maprotektahan ang mga lehitimong negosyante laban sa hindi patas na kompetisyon.














