-- Advertisements --

Magsasagawa ng pagdinig ang Senate Blue Ribbon Committee ngayong linggo kaugnay ng muling pag-isyu ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng mga letter of authority (LOA) at mission order (MO), matapos ang mga alegasyon ng pangingikil na nagresulta sa pansamantalang pagsuspinde ng mga ito noong Nobyembre.

Ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson, na siya ring chairman ng komite, layon ng pagdinig na mabigyang-linaw kung anu-anong reporma at safeguard ang ipinatupad ng BIR bago nito ipagpatuloy ang mga audit operation.

Giit ni Lacson, kailangang pormal na ipaliwanag ng BIR sa Senado ang mga pagbabagong ginawa upang matiyak na hindi na mauulit ang umano’y pang-aabuso laban sa mga nagbabayad ng buwis. Aniya, kung mapapatunayang may sapat nang mga mekanismo upang maiwasan ang abuso, maaaring tapusin na ng komite ang pagtalakay sa usapin.

Noong nakaraang linggo, inanunsiyo ng BIR ang pagbabalik ng audit operations, kabilang ang pag-isyu ng LOA at MO, na sinuspinde matapos ang mga reklamo ng extortion na iniuugnay sa proseso ng tax audit.

Batay sa mga ulat, sinabi ni BIR Commissioner Charlito Mendoza na kabilang sa mga ipatutupad na reporma ang paglilimita sa pag-isyu ng LOA sa isang beses lamang kada taxpayer bawat taxable year. Magkakaroon din umano ng paraan upang ma-verify ng mga taxpayer ang pagiging lehitimo ng LOA sa pamamagitan ng chatbot ng ahensya.

Samantala, ang pagdinig ng Blue Ribbon Committee ay inaasahang tututok sa pananagutan, transparency, at proteksiyon ng mga taxpayer kasabay ng pagbabalik ng kapangyarihan ng BIR sa pagsasagawa ng audit.