Ipinahayag ni dating Ilocos governor Luis “Chavit” Singson na handa siyang magbigay ng testimonya sa Senado sa ilalim ng Blue Ribbon Committee hinggil sa umano’y anomalya sa flood control projects.
Ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo ‘Ping’ Lacson, personal na lumapit si Singson sa kanya upang ipahayag ang intensiyon nitong dumalo sa susunod na nakatakdang pagdinig ng panel.
Tinanggap ni Lacson ang kahilingan ni Singson na makapagtestimonya sa pagdinig.
Dagdag pa niya, bilang dating gobernador, nakay Singson na raw kung magsasabi ito ng totoo sa imbestigasyon.
Sa nakaraang panayam, una nang sinabi ni Singson na nararapat simulan ng gobyerno ang imbestigasyon sa mga flood control projects sa Ilocos Norte, lugar ng Marcos political clan, at dagdag niya na may kaugnayan umano ang mga contractors dito sa Discayas.
Sinabi pa ni Lacson na ang susunod na tentative date ng pagdinig ay itinakda sa Abril 14, 2026, o pagkatapos ng Senate recess para sa Holy Week.
Mag-aadjourn ang Senado sa Marso 21 at magbabalik naman sa Mayo 3, 2026.
Sa tanong naman kung plano rin nilang imbitahan ang ’18 ex-Marines’ bilang resource persons sa mga pagdinig. Sinabi ni Lacson na ito ay pinag-aaralan pa.
Aniya pa, kung malinaw na nagsisinungaling ang isa sa kanila, at may motion na i-cite sila for contempt, maaari itong maging problema dahil maaaring sabihing pinapahirapan ang mga resource persons.














