-- Advertisements --

Naghain si Senator Panfilo “Ping” Lacson ng dalawang panukalang batas para itaas mula 56 patungo sa 57 taong gulang ang compulsory retirement age ng uniformed personnel ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at Bureau of Fire Protection (BFP).

Sa ilalim ng Senate Bills 2395 at 2396, sinabi ni Lacson na layunin nitong mapanatili nang mas matagal ang kaalaman, karanasan at leadership ng mga senior personnel, habang nabibigyan din sila ng mas maraming panahon para maipasa ang kanilang expertise sa mga nakababatang opisyal.

Sa SB 2395, iminungkahi ni Lacson na itaas sa 57 ang retirement age ng mga uniformed personnel ng PNP upang magkaroon pa ng panahon ang pamunuan na ipatupad ang mga institutional reforms at mapakinabangan ang karanasan ng mga tauhan.

Samantala, sa SB 2396, kapwa itataas sa 57 ang retirement age ng uniformed personnel ng BJMP at BFP.

Ayon kay Lacson, nakaayon din ang mga panukala sa naging pagbabago sa compulsory retirement age ng mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Batay sa datos na binanggit ni Lacson, may humigit-kumulang 230,410 uniformed personnel ang PNP, 26,000 sa BJMP at 41,286 sa BFP.

Sa panukala para sa PNP, ang mga personnel na wala pang isang taon ang serbisyo matapos maipasa ang batas ay maaari pa ring piliing magretiro sa edad na 56.

Samantala, mananatili sa 56 taong gulang ang compulsory retirement age ng kasalukuyang PNP chief.

Para naman sa ilang matataas na opisyal ng BJMP at BFP na may ranggong chief superintendent, director o deputy director general, maaari silang manatili sa serbisyo nang isang taon, ngunit hindi na maaaring palawigin pa.