Hiniling ngayon ng ilang producers sa House Committee on Creative Industries noong Lunes, Marso 16, ang posibilidad ng pagtaas ng presyo ng ticket sa mga sinehan.
Tutol dito si Cavite 2nd District Representative Lani Mercado-Revilla. Ayon sa kanya, ang dagdag na P2 sa bawat ticket ay maaaring maging pasanin sa bulsa ng mga manonood.
Sinabi naman ni Film Producers Guild of the Philippines Perci na malaking isyu ang presyo ng ticket para sa industriya ng pelikula, lalo na’t kulang pa rin ang mga programang sumusuporta sa pagbabalik ng mga manonood sa sinehan.
Binanggit niya na ang pamamahagi ng libreng ticket para sa senior citizens o sa mga okasyon gaya ng Metro Manila Film Festival ay nakakatulong sa pagpapahalaga sa pelikula, ngunit hindi ito direktang sumusuporta sa kita ng industriya.
Dagdag pa niya, hindi lahat ng producers ay kayang magbaba ng presyo ng ticket dahil sa mataas na gastos sa produksyon.
Ipinanukala niya ang posibilidad ng mga programa na makakatulong sa mga producers na mabawi ang kita mula sa senior citizen discounts at libreng ticket, upang maging mas mababa ang presyo ng ticket para sa lahat.
Ayon naman kay Cinema Exhibitors Association of the Philippines’ (CEAP) Bing Advincula, ang industriya ng pelikula ay hindi pa umaabot sa kalahati ng gross earnings nito bago ang COVID-19 pandemic.
Noong 2019 kasi umabot sa halos P13 billion ang kinita ng industriya ng pelikula, ngunit noong 2022 bumaba ito sa P4.5 billion, tumaas sa P6.5 billion noong 2023, P6.1 billion noong 2024, at P6.7 billion noong 2025.
Samantala, lumahok din sa pagdinig ang aktres at producer na si Bela Padilla upang ipahayag ang suporta sa panukalang batas para sa paglikha ng Philippine Film Commission.
Ayon sa kanya, mahalaga ang film commission bilang isang one-stop shop para sa mga lokal at dayuhang filmmakers, at upang maprotektahan ang mga Pilipinong filmmaker at natural resources nito.










