Sa kabila ng iba’t ibang pagsubok at hamon na kinakaharap, kabilang na ang mga sunod-sunod na sakuna na tumama sa bansa at ang patuloy na isyu ng katiwalian, nananatiling matatag at resilient ang ekonomiya ng Pilipinas.
Ito ang ipinagmalaki at ibinida ng Department of Economy, Planning and Development (DEPDev) sa publiko, matapos nilang maitala ang positibong resulta ng paglago ng ekonomiya sa unang tatlong bahagi o quarter ng taong 2025.
Ayon sa datos na inilabas ng DEPDev, nakamit ng bansa ang 5% average growth rate sa unang tatlong quarter ng 2025.
Sa ginanap na Year-end Press Chat ng DEPDev, ipinahayag ni Economic Planning Secretary Arsenio Balisacan na nakapagtala rin ang Pilipinas ng headline inflation na nasa 1.7%, isang resulta na pasok pa rin sa target range na 2% hanggang 4% na itinakda ng pamahalaan.
Ito ay nagpapakita ng epektibong pamamahala sa presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa.
Dagdag pa rito, iniulat din ni Secretary Balisacan na nananatiling masigla at aktibo ang labor market condition ng bansa.
Ito ay pinatutunayan ng pagkakapagtala ng 4.5% unemployment rate, na nagpapahiwatig na mas maraming Pilipino ang may trabaho at hanapbuhay.
Samantala, naitala naman ang underemployment rate sa 14.2%, na nagpapakita na mayroon pa ring mga manggagawa na naghahanap ng karagdagang oras o mas magandang oportunidad sa trabaho.
Bukod pa sa mga nabanggit, iniulat din ng kalihim na nananatiling masigla ang banking system ng bansa, na sinusuportahan ng paglago ng mga investment.
















