Inihayag ng Department of Energy (DOE) na kasalukuyan itong nakikipagtulungan sa Asian Development Bank (ADB) at Department of Economy, Planning and Development (DEPDev) para sa isang $250 million loan program na layong pasiglahin ang mga pamumuhunan sa geothermal energy sa bansa.
Sa sidelines ng Economic Journalists Association of the Philippines (EJAP) Energy Forum, sinabi ni DOE Undersecretary Mylene Capongcol na ang tinatawag na Geothermal Resource Derisking Facility ay naglalayong bawasan ang panganib at gastos sa paunang yugto ng geothermal exploration.
Paliwanag niya, sasagutin ng gobyerno ang hindi bababa sa 50% ng gastos sa exploration sa pamamagitan ng pautang na maaaring gawing grant (di na kailangang bayaran) kapag hindi naging matagumpay ang proyekto.
Nilalayon din ng DOE na maisumite ang panukalang programa sa Investment Coordination Committee ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) ngayong taon at mailunsad ito sa susunod na taon.
Dagdag pa ng DOE, kailangan nang palakasin ang geothermal sector na tila napag-iiwanan ng solar at wind energy. Sa datos ng DOE, may 1,952 megawatts (MW) na geothermal capacity ang bansa sa 2024, habang may natitira pang potensyal na 400 MW na maaaring paunlarin.