-- Advertisements --

Inakusahan ng prosecution ng International Criminal Court (ICC) si dating Pangulong Rodrigo Duterte na ginamit nito ang tinaguriang Davao model upang isakatuparan ang malawakang patayan sa Pilipinas nang siya ay maluklok sa pwesto.

Sa kaniyang manipestasyon, iginiit ni ICC Trial Lawyer Edward Jeremy na tinupad lamang ng dating punong ehekutibo ang kanyang pangako noong kampanya.

Nakasentro ang bahaging ito sa mga umano’y pagpaslang sa mga tinaguriang high-value targets na kabilang sa kontrobersyal na narco list ng nakaraang administrasyon.

Pormal namang iprinisinta ng prosecution team ng International Criminal Court (ICC) ang command memorandum ng kontrobersyal na war on drugs bilang bahagi ng pagdinig sa kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa pagpapatuloy ng pagsusumite ng mga ebidensya at merits ng kaso, inilatag ni ICC trial lawyer Edward Jeremy sa harap ng Pre-Trial Chamber I ang dokumentong kilala bilang Project Double Barrel.

Ang Project Double Barrel ay ang naging opisyal na panuntunan ng pambansang pulisya sa pagpapatupad ng madugong kampanya kontra-droga ng nakaraang administrasyon.

Ito ay ginagamit ngayon ng ICC prosecution bilang isang mahalagang dokumento upang patunayan ang diumano’y sistematikong polisiya ng pagpaslang na nagresulta sa libo-libong pagkamatay sa bansa.

Patuloy ang pagpapaliwanag ng prosecution team sa mga isinumite nilang ebidensya upang patibayin ang mga akusasyon laban sa dating punong ehekutibo.