Pinaigting ng Department of Energy (DOE) ang pagsasagawa ng energy audit at spot checks sa mga pasilidad ng pamahalaan sa buong bansa upang matiyak ang pagsunod sa mga pamantayan sa ‘energy efficiency’ at sa pagpapatupad ng Government Energy Management Program (GEMP).
Batay ito sa ibinababang Memorandum Circular No. 114, Series of 2026 ng ahensya na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na nag-uutos sa lahat ng national at local government agencies na magbawas ng konsumo sa kuryente at gasolina ng 10 hanggang 20% bago matapos ang taon.
Kaugnay nito, naglabas din ng advisory noong Marso 4, 2026 si Energy Secretary at at chair ng Inter-Agency Energy Efficiency and Conservation Committee (IAEECC) Sharon Garin, na nag-uutos ng mahigpit na pagsunod sa mga alituntunin ng GEMP.
Nabatid na sa mga isinagawang inspeksyon ng DOE, sinuri nito kung sumusunod ang mga ahensya sa pagtitipid ng enerhiya. Kabilang dito ang pagtatakda ng air-conditioning thermostat na hindi bababa sa 24°C, paggamit ng energy-efficient lighting at office equipment, pagpapatupad ng fuel-saving practices sa mga sasakyan ng pamahalaan, at paggamit ng flexible work arrangements kung posible.
Kasama rin sa mga inirekomenda ng ahensya ang pag-install ng renewable energy systems kung kaya ng isang local government, at ang pagsusumite ng tamang datos at ulat sa pamamagitan ng Online GEMP System.
Inaatasan din ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na magtalaga ng mga Energy Efficiency and Conservation (EEC) professionals na mangunguna sa pagpapatupad ng mga programa sa pagtitipid ng enerhiya at sa pagsunod sa reporting requirements.
Ayon kay Garin, mahalaga ang disiplina at responsableng paggamit ng enerhiya sa loob ng pamahalaan upang maging halimbawa sa publiko habang napapanatili ang maayos na serbisyo.
Samantala, pinaalalahanan ng DOE ang lahat ng ahensya na sumunod sa Republic Act No. 11285 o Energy Efficiency and Conservation Act, gayundin sa Administrative Order No. 15 at iba pang kaugnay na patakaran.
Upang mapanatili ang transparency at accountability, ilalabas ng DOE sa opisyal nitong website ang resulta ng compliance ng bawat ahensya ng pamahalaan.
















