Inaprubahan ng Economy and Development Council (ED Council) na pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang ₱105.7-bilyong Public-Private Partnership for School Infrastructure Project Phase III (PSIP III) upang tugunan ang kakulangan sa silid-aralan at mapabuti ang kondisyon ng pagkatuto.
Ayon sa Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) sa nasabing proyekto, magtatayo ng 16,459 silid-aralan sa 1,095 paaralan sa Luzon mula 2027 hanggang 2028 kung saan mahigit 800,000 mag-aaral kada taon ang makikinabang.
Layunin din nitong pababain ang average class size at alisin ang multiple-shift classes.
Ipinapakita ng mga inisyatibang ito ang matibay na paninindigan ng administrasyon na pabilisin ang inklusibong paglago at mag-invest sa pagpapaunlad ng yamang-tao sa ilalim ng Philippine Development Plan (PDP) 2023–2028.
Kasabay nito, inaprubahan din ng ED Council ang malalaking proyektong pang-transportasyon at pang-agrikultura upang mapahusay ang konektibidad, palakasin ang ekonomiya, at itaguyod ang inklusibong paglago sa buong bansa.
















