-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Umapela ng dasal para sa kapayapaan at kaligtasan ang Filipino community sa Middle East kasunod ng mga serye ng pag-atake ng Iran laban sa mga base militar ng Estados Unidos sa Gulf Arab states.

Ayon kay Bombo International News Correspondent Shynne Resurreccion, isang nurse sa bansang Bahrain, malapit aniya mismo ang kaniyang apartment sa US Naval Base kung kaya’t narinig at naramdaman nila ang magkasunod na malakas na pagsabog at nakuhaan pa ng ilang street vendor ng video ang pagtama ng missiles.

Kaugnay nito, kaagad umano silang lumikas sa mas ligtas na lugar upang makaiwas sa mga debris na nagsibagsakan at sa amoy ng abo ng missiles na tumama sa pasilidad ng Estados Unidos.

Dagdag pa ni Resurreccion, hindi basta-basta ang isinagawang joint combat operation ng Amerika at Israel dahilan na hindi ito pinalampas ng Iran at kaagad na gumanti sa mga base militar ng Amerika.

Kawawa aniya ang mga sibilyan na naipit sa sagupaan dahil sa walang sinuman ang nakahapaghanda at hindi lahat ng missiles attack ay naintercept ng iron dome ng bawat bansa sa Middle East.