Inatasan na ng Department of Energy (DOE) ang Philippine National Oil Company (PNOC) upang bumili ng hindi bababa sa isang milyong bariles ng diesel bilang reserbang suplay ng gobyerno, sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at pangamba sa pandaigdigang merkado.
Ayon kay Director Rino Abad ng Oil Industry Management Bureau (OIMB-DOE), direktiba ito ni DOE Secretary Sharon Garin upang matiyak na may sapat na suplay ng diesel na magagamit ng bansa sakaling magkaroon ng biglaang pagkagambala sa pandaigdigang distribusyon.
Ipinaliwanag ni Abad na gagamitin ng PNOC ang sariling pondo para sa pagbili ng reserbang diesel at ibebenta ito sa mga kompanya ng langis nang walang patong, kaya’t hindi inaasahang tataas ang presyo sa merkado.
Target ng gobyerno na makabili ng suplay mula sa mga bansang gaya ng South Korea, Japan, Singapore, Malaysia, Indonesia, at Canada, na inaasahang makakadagdag sa seguridad ng suplay ng bansa.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng contingency plan ng pamahalaan sa harap ng tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan, partikular na ang banta ng pagsasara ng Strait of Hormuz na isa sa pinakamahalagang ruta ng langis sa mundo.
Sa kasalukuyan, walong sunod na linggo nang tumaas ang presyo ng gasolina at sampung linggo para sa diesel at kerosene, habang nagbabawas din ng export ng refined fuel ang China na lalong nagpapataas ng pressure sa pandaigdigang merkado.
Tiniyak ng DOE na ang pagbili ng reserbang diesel ay hindi para pagkakitaan kundi para protektahan ang ekonomiya at mga mamamayan laban sa epekto ng pandaigdigang kaguluhan sa enerhiya.
Sa ganitong hakbang, inaasahang mas magiging matatag ang suplay ng diesel sa bansa, na mahalaga para sa transportasyon, logistics, at iba pang sektor na lubos na umaasa sa produktong petrolyo.
















