Naghahanda ang Department of Transportation (DOTr) para sa posibleng pagpapatupad ng P2.5 bilyong fuel subsidy matapos tumaas ang presyo ng langis dulot ng kaguluhan sa Middle East kasunod ng mga pag-atake ng US at Israel laban sa Iran.
Ayon kay Acting Secretary Giovanni Lopez, inatasan na niya ang road sector na simulan ang dokumentasyon upang agad maipatupad ang subsidiya kapag umabot sa $80 kada bariles ang presyo ng langis.
Samantala, nire-review na rin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga nakabinbing petisyon sa taas-pasahe.
Sa gitna nito, nananatiling tensyonado ang sitwasyon sa Middle East, lalo na sa Strait of Hormuz na dinaraanan ng humigit-kumulang 20% ng global seaborne oil supply.
May mga barkong tinamaan at ilang shipping companies na ang nagsuspinde ng pagdaan sa ruta, dahilan upang tumaas pa ang insurance costs at posibleng umabot sa $90 hanggang lampas $100 kada bariles ang presyo ng langis.
Babala ng mga analyst, kung magpapatuloy ang pagharang sa naturang ruta, maaaring mawalan ng 8 hanggang 10 milyong bariles kada araw na suplay ng krudo sa pandaigdigang merkado, isang kakulangan na mahirap mapunan kahit may nakahandang oil reserves ang ibang bansa.
















