-- Advertisements --

Nanawagan si Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson para sa totoo o malalimang imbestigasyon sa mga opisyal ng Gabinete na umano’y sangkot sa bilyun-bilyong isiningit na pondo sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga nakalipas na taon.

Nagbabala rin ang Senador na ang maagang pagbasura sa mga alegasyong ito ay maaaring magmukhang “cover-up.”

Ginawa ng Senador ang panawagan kasunod ng rebelasyon ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste ngayong linggo na may ilan umanong Cabinet secretaries at undersecrataries ang kabilang sa umano’y budget insertions at kanilang proponents na aniya’y natanggap niya mula sa pumanaw na si dating DPWH USec. Catalina Cabral.

Itinanggi naman ito ni Palace Press Officer USec. Claire Castro bilang hearsay lamang o tsismis na walang probative value dahil hindi pa naberipika ng DPWH ang naturang dokumento.

Subalit, sinabi ni Sen. Lacson na masyado pang maaga para ituring bilang hearsay ang mga alegasyon sa budget insertions lalo na aniya at may mga nabunyag na mahahalagang ebidensiya partikular na mula sa isinagawang mga pagdinig ng Senate Blue Ribbon Commitee na kaniyang pinamumunuan.

Ayon sa Senador, kabilang sa mga ebidensiyang nakalap ng Blue Ribbon Committee hearings ay ang mga testimoniya na suportado ng mga opisyal na dokumento sa budget books gaya ng mga listahan ng mga items na pinatotohanan ng mga testimoniya ng mga resource person na sangkot sa pagkulembat ng kaban ng bayan na malinaw na na-establish sa pamamagitan ng kanilang pag-amin nang nakapanumpa.

Binanggit din niya ang posibleng pagtukoy sa “web of accounts” na magtuturo sa paggalaw ng mga pondo sa tulong ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).

Giit ng Senador, hindi kakayanin ng gobyerno na balewalain ang galit ng publiko dahil sa tindi ng korapsyon sa likod ng mga palpak at guni-guning infrastructure projects.