-- Advertisements --

Katuwang ng Department of Public Works and Highways, layon kasama ng Department of Information and Communications Technology sa pamamagitan ng ‘integrity chain’ ang ‘transparency’ sa gobyerno.

Naniniwala ang kalihim ng DPWH na si Sec. Vince Dizon na ang isa rin sa makakatulong sa pagsugpo ng korapsyon ay mapasabatas na ang Citizen Access and Disclosure of Expenditures for Nation Accountability o CADENA Bill, isinusulong ni Senador Bam Aquino.

Kanyang binigyang pagkilala ang pangunguna ni Senador Aquino upang ito’y maipasa na at makapagbigay pagkakataon sa publiko magkaroon ng ‘access’ sa pondo ng bayan.

Ang naturang panukalang batas ay itinuturing na mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang ‘legislative priority’.

Ayon pa sa kalihim na buhat nito’y maaring maiwasan na ang anomalya at matiyak rin na matibay ang mga itatayong imprastraktura.

Kaugnay ng pagsugpo sa korapsyon, tiniyak ng Department of Information and Communications Technology na mayroon integridad ang inilunsad na ‘blockchain’ sa bansa.

Ayon kay Secretary Henry Rhoel Aguda ng kagawaran, makaseseguro naman aniya dahil sa tinatawag na ‘check and balances’.

Giit ng kalihim, makikita at ‘accessible’ ito sa publiko kung kaya’t maging ang mamamayan ay may kakayahan na ito’y maiberipika.

Ang ‘blockchain’ na inilunsad kamakailan ay ang siyang nangangasiwa o pinaglalagyan ng datos ng mga transaksyon ng pamahalaan.

Sa pamamagitan aniya nito’y mas marami nang makaka-access sa impormasyon layon mapaigting ‘transparency’ at maibsan ang korapsyon.

Pagtitiyak pa ng kalihim na kayang maresolba sakali man magkaroon ng ‘errors’ sa naturang teknolohiya.

Aniya’y sa database nito ay meron magkakahiwalay na sistema ang bawat departamento tulad ng Department of Public Works and Highways na ngayo’y nahaharap sa kontrobersyal na anomalya sa flood control.

Direkta aniyang napupunta ang mga transaksyon o datos mula sa mga ito tungo sa blockchain.

At kung may ma-detect na ‘error’, madali aniyang mate-trace ito lalo na kung may nagkamali at makikita anuman ang binago.