Tiniyak ni Taguig City Mayor Lani Cayetano ang buong suporta ng pamahalaang lungsod sa Metro Manila Subway Project (MMSP), lalo’t lima sa kabuuang 17 istasyon ng proyekto ay matatagpuan sa Taguig.
Siniguro ni Cayetano sa mga ahensiya ng pamahalaan at sa mga pribadong katuwang na namamahala sa proyekto ang matibay na pakikipagtulungan ng lungsod upang matiyak ang maagap at matagumpay na pagpapatupad ng mahalagang imprastrakturang ito.
Sinabi ni Mayor Cayetano na buong suporta ang ibinibigay ng Lungsod ng Taguig sa mga proyektong nagpapahusay ng mobilidad, lumilikha ng mga oportunidad, at nagpapataas ng kalidad ng buhay ng aming mga residente at manggagawa.
Sa 17 istasyon ng subway, lima ang magsisilbi sa mahahalagang lugar ng pag-unlad sa Taguig: Kalayaan Avenue, Bonifacio Global City (BGC), Lawton East (McKinley Hill/McKinley West), Senate–DepEd, at FTI (Arca South).
Ang malaking bilang ng mga istasyon sa lungsod ay nagpapakita ng lumalaking papel ng Taguig bilang sentro ng negosyo, hanapbuhay, at pag-unlad ng urbanisasyon, partikular sa BGC at sa iba pang umuusbong na distritong pang-ekonomiya gaya ng Arca South.
Ang MMSP ay isang 33-kilometrong linya ng tren na magdurugtong sa Valenzuela City at Parañaque, na may karugtong na linya patungo sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.
Kapag ganap nang operational, inaasahang magsisilbi ito sa daan-daang libong pasahero araw-araw at makatutulong nang malaki sa pagbawas ng oras ng biyahe sa buong Metro Manila.
Para sa Taguig, inaasahang lalo pang mapapalakas ng proyekto ang koneksiyon ng lungsod sa mga pangunahing distrito ng negosyo at mga komunidad na residensiyal, na magpapadali sa pagpunta ng mga manggagawa, mamumuhunan, at mga bisita.
Nauna nang pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang groundbreaking ceremony para sa mga underground station at tunnel sa Kalayaan Avenue at BGC, kasama sina Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni “Banoy” Lopez, Japanese Ambassador Endo Kazuya, at Mayor Cayetano.










